Nakipagpulong po tayo sa Bataan Public-Private Partnership and Investment Center sa pamumuno ni Mr. Abul Khayr Alonto II, Mr. Christian Cordero (PPP Office) Mr. Benjamin Lewis Co (LEDIP Office) at Ms Aesa Rivas (PPPIC Admin Office). Nakasama rin po natin sina Municipal Administrator Mr. Tito Catipon, Municipal Planning and Development Officer Engr. Glady Dacion at Sangguniang Bayan Member Hon. Vonnel Isip.
Sa nasabing pagpupulong, ating minungkahi ang pagkakaroon ng Public-Private Partnership sa pagbubukas ng operasyon ng Dialysis Center. Binigyan natin ng kahalagahan ang pagkakaroon nito dahil sa dumadaming bilang ng mga dumadayo pa sa ibang bayan para magpadialysis. Nang ating pag aralan ang budget na nakalaan para dito ay kukulangin ito para sa pagbili ng dialysis machines na umaabot ng milyon ang halaga, gayundin para sa pagkuha ng mga lisensyadong nurses na magsasagawa ng dialysis. Upang mabukasan ito sa madaling panahon, ang pagkakaroon ng PPP ang isa sa nakikita nating solusyon.
Binukasan din ang ideya sa pagkakaroon ng iba pang PPP para sa ibang proyekto tulad ng pagkakaroon ng alternatibong pagkukunan ng kuryente tulad ng karagdagang solar panels sa mga piling establisyemento, at iba pa.
Ilan sa mga proyekto sa ilalim ng PPP ay ang pagtatayo ng The Bunker, 1Bataan Integrated Transport System Inc. at maging ang itatayong 1Bataan Cavite Interlink Bridge ay bunga ng matagumpay na PPP. Sa ganitong mga proyektong makakatulong sa ating bayan, nagpapasalamat tayo sa pribadong sektor na nagbibigay ng interes na ating makatuwang sa paghahatid ng iba’t ibang serbisyo sa ating bayan.