Positibo po ang ating pananaw na maiaayos at mapapalakas nating muli ang iba’t ibang programang pangkalusugan. Nais po nating magkaroon ng holistic approach o malawakang pagtutok sa iba’t ibang aspeto ng kalusugan ng isang indibidwal. Upang masimulan ang mga ito, nakipagpulong po tayo sa ating Municipal Health Officer Dr. Gerald Sebastian para pag aralan ang pagbuong muli ng mga magiging bagong miyembro ng Local Health Board. Ito ang lupon na pangunahing magsasagawa ng pag aaral, pagpupulong at pagbabalangkas ng mga alituntunin, programa at mga proyektong may kaugnayan sa kalusugan.
Atin din pong ibinahagi ang mga programang nais nating ipatupad at ang pakikipag ugnayan sa mga ospital sa ating bayan tulad ng Mariveles District Hospital, Mariveles Mental Wellness and General Hospital at Maheseco Hospital. Isang yamang maituturing ang kalusugan natin kaya naman nais nating alalayan ang bawat pamilya sa pagkakaroon ng accessible na serbisyong medikal at malusog na pangangatawan.
Nakasama rin po natin sa pagpupulong ang ating Sanitation Officer Sir Jett Dantay upang pag usapan ang pagkakaroon ng kalinisan at kaayusan ng mga establisyemento at iba pang mga lugar.