Sa paglulungsad ng programang Kapihan sa Barangay Kasama si Mayor Kuya AJ, unang pinuntahan ang mga residente ng 1Bataan Village Housing sa Barangay Cabcaben. Layunin ng programang ito ang pagkakaroon ng kumustahan sa ating mga kababayan para magbigay serbisyo publiko, malaman ang kalagayan at pangangailangan sa komunidad at mapakinggan ang mga kwento at suliranin na kinakaharap nila. Layunin din nito na magkaroon ng diyalogo upang mabigyan ng solusyon ang kasalukuyang problema at maresolba ito sa maayos at mapayapang paraan.
Sa unang Kapihan, nakasama natin sina Municipal Consultant on Housing and Land Use Mr. Harry Golocan, Punong Barangay Jose Yambao ng Cabcaben, Penelco Director Ms. Cecille Bacsa, at Bataan Human Settlement Office (BHSO) Head Mr. Christopher Leonzon. Nakarating po sa ating tanggapan ang suliranin ng komunidad na kawalan ng suplay ng kuryente. Sa pamamagitan ng lokal na pamahalaan, Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Gov. Joet Garcia, BHSO, Penelco, Homeowner’s Association ng nasabing lugar, nabigyan ng solusyon ang matagal na nilang problema. Kahapon din ng hapon, naibalik na ang suplay ng kuryente sa mga kabahayan na nakumpleto ang kabayaran sa kuryente. Pinaalalahanan din ang mga residente ng polisiya na ‘No Tapping’ or ‘No to Illegal Connection’ na mahigpit na pinatutupad sa lugar.
Maaasahan po ninyo na ang ating lokal na pamahalaan, sa pakikipagtulungan sa iba pang ahensya ng gobyerno at pribadong organisasyon ay sisikaping matugunan ang mga pangangailangan ng ating kababayan lalo at kung ito ay para sa kapakinabangan ng nakararami. Marami pa po ang kailangang maabot at mapuntahan ng ating pamahalaan kaya samahan po ninyo kami sa susunod na kapihan sa inyong barangay.
Maraming salamat po!